Banggaan ng traysikel, pick-up truck at van: 1 patay, 3 sugatan
OpinYon Batangas

Banggaan ng traysikel, pick-up truck at van: 1 patay, 3 sugatan

Apr 2, 2024, 7:42 AM
Opinyon Batangas News Team

Opinyon Batangas News Team

Writer

PADRE Garcia, Batangas -- Isa ang namatay, habang tatlo ang nasugatan matapos mabangga ng isang pick-up truck ang kanilang sinasakyan na traysikel at sumalpok pa sa kasalubong na van sa bayang ito.

Sa kuha ng CCTV footage nakitang halos pareho ang takbo ng traysikel at pick-up sa kalsada sa Barangay San Felipe noong Linggo (24 Mar 2024) ng hapon.

Subalit, nagpumilit ang pick-up truck na unahan ang traysikel hanggang sumalpok ito sa sasakyan ng mga biktima.

Dahil dito, naitulak ang traysikel sa kabila ng kalsada at doon ito nabangga ng kasalubong na van.

Dinala sa ospital ang mga sakay ng traysikel ngunit hindi na nailigtas ang isa sa mga pasahero nito. Sugatan naman ang drayber ng traysikel at dalawang iba pa niyang pasahero.

"Ayon sa testimonya ng drayber ng [pickup], hindi rin daw niya napansin na hindi pa niya naisasaayos ang kanyang pag-overtake sa traysikel at nakabangga niya ito sa huling bahagi ng sasakyan," sabi ni Police Major Charles Fulanche, OIC, Padre Garcia Police Station.

Isa sa mga sakay ng traysikel ang sinabing tinamaan sa ulo nang mabangga ng pick-up ang sidecar nito, dagdag pa ni Fulanche.

Nasa kustodiya ng pulisya ang mga drayber ng pick-up at van habang naghihintay pa ng kamag-anak ng nasawi para sa pag-uusap ng magkabilang partido.

Patuloy na sinusubukan na kunan ng salaysay ang dalawang drayber at mga nakaligtas na biktima.

#WeTakeAStand #OpinYon #RoadAccident


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2024 OpinYon News. All rights reserved.